Diba’t araw gabi kang parang lumalaban sa gera?
Nash Sudario
Tinatangi kong Bangkera, alam mo bang nakikita kita?
Marahil higit pa sa puna ng sarili mong mga mata
Dama ko ang bisig mo noong binubuo pa lamang ang samahang minsa’y para lamang sa kalalakihan
Lasap ko ang kalingang walang panghihinayang mong nilalatag sa hapag-kainan
Langhap ko ang simoy ng hanging pilit mong pinoprotektahan mula sa alikabok ng lipunan
Dinig ko ang himig mong waring naglalathala ng pamana mong karunungan
Tinatangi kong Bangkera, hayaan mong iguhit kita bilang isang Katipunera—
Diba’t araw gabi kang parang lumalaban sa gera?
Lumalaban sa esteryotipikong pagmamaliit sa lipon ng iyong lahi
Lumalaban para sa mas maginhawang bukas ng bawa’t kasapi
Nilalabanan ang tadhanang kinagisnan at tumatanaw sa mas masaganang kapalaran
Maniwala ka, nakikita kita
Marahil ay higit pa sa nakikita ng sarili mong mga mata
Kaya’t kung minsan dama mo ang pangungulila sa sarili mong presensya
Saglit kang lumingon sa inuusad mong balsa
Nandito ako, tumitingala sa bawa’t kabig mo sa lubid
Nandito ako, nagmamasid sa lakas ng iyong bisig
Nandito ako at nakikita ko ang bawa’t mong ambag sa labas ng balsa
Tinatangi kong Bangkera, Katipunera, nakikita kita.
What do you think about our latest issue?